IGURADONG tuwang-tuwa at mas inspired magtrabaho ngayon ang mga Filipinong mamamahayag dahil sa isinusulong na panukalang batas ni Las Piñas Rep. Camille Villar.
Bukod pa riyan ang pagtulong ng kongresista sa mga movie producers para sa muling pagbangon ng industriya ng pelikulang Pilipino na matinding naapektuhan ng pandemya.
Dalawang panukala sa House of Representatives para sa karagdagang social safety nets para sa mga peryodista at seed fund na magbibigay sa local movie industry ng pondong pamprodyus ng world-class films ang ipinaglalaban ngayon ni Congw. Camille.
Sa panukalang House Bill No. 6543, hangad ni Villar na bigyan ng “disability, health, and hospitalization benefits” ang mga practicing journalist.
Minamandato ng panukala ang Social Security System at ang Government Service Insurance System na lumikha ng special coverage para sa freelance journalists, lalo na sa mga naka-assign sa war zones, conflict-stricken areas, at calamity-affected places.
“Mahalagang pangalagaan ang mga mamamahayag, lalo na yung mga naka-assign sa mga delikadong lugar. Itinataya nila ang kanilang buhay para makapagbigay ng napapanahong balita para sa mga Pilipino kung kaya’t nararapat lamang na bigyan natin sila ng proteksyon at dagdag na benepisyo para sa kanilang sakripisyo,” ang pahayag ng Rep. Villar sa ilang members ng entertainment press.
Nagpasa rin siya ng House Resolution No. 451 na bubuo ng “seed fund” o karagdagang pondo sa local movie industry para maengganyo ang filmmakers makagawa ng quality films na pweding ilaban sa international arena.
Sa nasabing proposed legislation, bibigyan ng pamahalaan ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) ng pondong susuporta sa industry stakeholders para bumuo ng bagong marketing strategies para mas patindiin ang tsansa ng Pilipinas na muling kilalanin sa international film festivals.
“Makakuha man lang ng nomination, o manalo, o masali sa shortlist ng foreign award-giving bodies tulad ng prestihiyosong Oscars ay lalong magpapatibay sa reputasyon ng Pilipinas bilang bansa ng world-class talents at quality movies, na magbubukas ng dagdag na employment at livelihood para sa mga Filipino,” ani Rep. Villar.
Parehong nakapending ang dalawang panukala sa committee level.
Bukod sa pagiging public servant, si Rep. Villar din ang President at CEO ng AllValue Holdings Corporation, na retail arm ng Villar Group of Companies na namamahala sa AllDay Supermarket, AllHome, at Coffee Project, na pinrangalan na para sa papel niyang ito.
Noong 2022, iginawad ang Stevie Awards for Women in Business in Las Vegas sa AllHome Builds at ang Bronze Award for Community- Involvement Program of the Year para sa Women-owned o Women-led Organizations.
Pinaranangalan din si Rep. Villar bilang Government Hero of the Year para sa kanyang ginawa nu’ng panahon ng COVID-19 pandemic.
Kinilala rin siyang Female Executive of the Year, Silver Awardee in Asia, Australia, at New Zealand para sa kanyang expertise bilang president and chief executive officer of AllValue Group.
Kamakailan, kasama si Rep. Villar sa paglulunsad ng partnership ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) at ABS-CBN Corporation.
Ang nasabing partnership ang maghahatid ng up-to-date news at entertainment programs sa Filipino audiences via ALLTV na available sa Channel 2 free TV, cable, at satellite TV sa buong bansa.
Bukod sa pagiging public servant at entrepreneur, hands on mom din ang anak nina Manny at Chyntia Villar sa kanyang mga anak na sina Tristan at Cara.